Mga laro ngayon:
2 p.m. – FEU vs RTU (Men’s)
4 p.m. – Cagayan vs PLDT (Women’s)
Magtutuos ngayon ang Cagayan Valley (CaV) at PLDT Home Telpad sa isang napakahalagang laban sa women’s division habang tangka namang mapanatiling buhay ng Rizal Tehcnological University (RTU) ang kanilang tsansa sa men’s division sa pagpapatuloy ngayon ng Shakey’s V-League Season 11 Third Conference sa FilOil Flying V Arena sa San Juna City.
Magkasalo sa barahang 2-2 (panalo-talo) at may dalawang playing dates na lamang ang nalalabi sa eliminations, pag-aagawan ng Lady Rising Suns at ng Turbo Boosters ang ikalawang posisyon sa team standings upang makaungos para sa pinag-aagawan din na ikalawa at huling slot sa finals.
Nauna nang umusad sa kampeonato ang powerhouse team ng Philippine Army (PA) makaraang maitala ang kanilang ikalimang sunod na panalo sa torneong itinataguyod ng Shakey’s at sa pagsuporta ng Mikasa at Accel.
Nanggaling ang PLDT Home Telpad sa isang five-setter na laban sa Meralco noong nakaraang Martes kung saan ay naiposte nila ang 25-20, 25-14, 22-25, 16-25, 17-15 tagumpay.
At kinakailangan nilang maipanalo ang laban sa Lady Rising Suns bilang paghahanda sa isang matinding duwelo na susuungin nila sa kanilang huling laro laban sa Army.
Sa kabilang dako, kung sakaling matalo ang Cagayan sa kanilang laban sa Turbo Boosters, may malaking pag-asa pa rin ang Lady Rising Suns na makahabol para sa huling upuan sa finals kung maipapanalo nila ang huling laro sa Power Spikers sa pagtatapos ng eliminations.
Muli, sasandalan ni coach Roger Gorayeb, para sa kanilang misyon, sina Suzanne Roces, Gretchel Soltones, Charo Soriano, Ryzabelle Devanadera, Angela Benting, Laurence Ann Latigay, Maruja Banaticla at ace setter Rubie de Leon.
Ngunit magsisilbing malaking hamon para sa kanila ang pigilan ang dalawang Thai imports ng Cagayan na sina Saengmuang Patcharee at Amporn Hyapha.
Samantala, sisikapin naman ng RTU na panatilihin ang kanilang gahiblang tsansang makahabol sa finals sa pagsagupa nila sa napatalsik nang Far Eastern University (FEU).