Mga laro ngayon: (Smart Araneta Coliseum)

3 p.m. Barako Bull vs. Globalport

5:15 p.m. San Miguel Beermen vs. Purefoods

Makamit ang ikalawang sunod na panalo na tiyak na magluluklok sa kanila sa pansamantalang liderato ang tatangkain ng San Miguel Beermen habang hangad namang maiposte ang kanilang unang panalo ang pagtutuunan ng Barako Bull, Globalport at Purefoods sa pagpapatuloy ng aksiyon sa PBA Philippine Cup.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Magtutuos sa unang laban ang Energy Cola at Batang Pier sa ganap na alas-3:00 ng hapon habang magtatapat naman sa ganap na alas-5:15 ng hapon ang Beermen at ang Star Hotshots sa Smart Araneta Coliseum.

Kasalukuyang nasa 5-way tie sa liderato ang Beermen kasama ang Meralco, Alaska, Barangay Ginebra San Miguel at baguhang Kia Sorento na kasalukuyan namang lumalaban sa Lucena City para sa unang out of town game ng season habang isinasara ang pahinang ito.

Sa nasabing laban, hindi matutunghayan ng mga taga- Lucena ang boxing icon na si Congressman Manny Pacquiao dahil nasa General Santos City na kasalukuyang nakatutok sa kanyang pagsasanay upang paghandaan ang kanyang laban sa darating na Nobyembre 22 kontra kay Chris Algieri.

Kahit nasa panahon pa rin ng pag-a-adjust sa sistema ng bago nilang coach na si Leo Austria, nakuhang maipanalo ng Beermen ang kanilang unang laban kontra sa Rain or Shine, 87-79, noong nakaraang Martes.

Ito’y bunga na rin ng kanilang matinding hangarin na tapusin ang kanilang pagkauhaw sa titulo sa loob ng nakalipas na tatlong seasons.

Sa kabilang dako, pagbangon mula sa natamong 20-puntos na kabiguan, 73-93, sa kamay ng Alaska Aces, nahaharap sa mas malaking pagsubok ang defending champion at grandslam titlist Purefoods Star Hotshots.

Sa kasalukuyan ay nasa bakasyon pa ang Gilas standout na si Jean Marc Pingris habang nagtamo naman ng ACL injury ang sophomore big man na si Ian Sangalang sa una nilang laban kaya’t kinakailangang mag-step-up ng lahat ng mga nalalabi nilang player, partikular ang kanilang big man na sina Joe Devance, Yousef Taha, Isaac Holstein at Raffi Reavis para mapigil ang pagdomina ni reigning MVP Junemar Fajardo sa loob ng paint.

Samantala, sa unang laban, mag-uunahan namang makapagtala ng unang panalo ang Energy Cola at Batang Pier na kapwa nabigo sa una nilang laro, ang una sa kamay ng Meralco, 108- 112, sa larong natapos sa double overtime noong Martes at ang huli ay sa NLEX Road Warriors noong Lunes, 96-101.