Mauunawaan natin ang pagtanggi ng Department of Finance (DOF) sa panukala na naglilimita sa P70,000 ang Christmas bonus, 13th month pay, at iba pang benepisyo na maaaring buwisan ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Maliban sa dalawang buwan ngayong taon, hindi tinamaan ng BIR ang buwanang target nito sa koleksiyon at malamang na hindi maaabot nito ang taunang target na P1.4 trilyon para sa 2014. Nagawa naman nitong iangat ang koleksiyon sa sin taxes, delinquent accounts, at large taxpayers’ accounts, ngunit sa kabuuan, negatibo ang taon na ito para sa BIR.

Samantala, ang iba pang pangunahing fund-raising agencies ng gobyerno, ang Bureau of Customs, ay nagdurusa rin sa mabagal na koleksiyon. Hanggang nitong Oktubre 9, nagaa nitong kumulekta ng mahigit P274 bilyon, laban sa inaasintang P311 bilyon.

Sa ngayon, binubuwisan ng BIR ang kahit na anong hihigit sa P30,000 sa mga bonus ng mga kawani sa pagtatapos ng taon. Isang consolidated Senate bill na iniakda ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto at Sen. Juan Eduardo Angara, chairman ng Senate Committee on Ways and Means, ang magtataas sa non-taxable bonus sa P70,000.

57 kilos ng shabu na isinilid sa Chinese tea bags, nakumpiska sa pantalan sa Southern Leyte

Sinabi ng DOF na pabababain nito ang bonus tax collections ng BIR ng P43 bilyon, ngunit sa pag-aaral ng UP School of Economics, nasa P4.3 hanggang P5.6 bilyon lamang ang pagkalugi, ayon kay Angara. Ngunit kung magkano man ang pagkalugi sa buwis dito, ito ang kita na tinanggap ng ng mga manggagawa, ayon kay Recto. At kapag ginastos na ang ekstrang salapi na ito, sasailalim ito sa sales tax.

Tiyak na may ilang pagkalugi ang gobyerno, ngunit matutulungan ng panukalang ito na pagaanin ang pagdurusa ng mga consumer. Matutulungan nito ang libu-libong manggagawa na magkaroon ng dahilan upang maging mas masaya sa panahon ng Pasko. Magiging mensahe ito para sa mga manggagawa na hindi lamang interesado ang gobyerno sa pangongolekta ng malalaking halaga upang ipanustos sa malalaki ring proyekto kundi nagpapatupad din ito ng mga hakbang upang matulungan ang karaniwang mamamayan.

Inaprubahan na rin ng Kamara ang isang House bill 4970 na katapat nito. Sa Senado, halos lahat ng miyembro ng 24-seat chamber ang nagnanais na mapangalanan bilang co-authors ng Senate Bill 2437. Kapag ibinaba na ng Kongreso ang final approval, umaasa tayo na lalagdaan agad ito ni Pangulong Aquino bilang batas upang maaari na itong maging bahagi ng maligayang Pasko ngayong taon.