Bumuo ng task force ang Department of Justice (DoJ) na tututok sa mga kaso ng cybercrime.
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, pamumunuan nina Senior Deputy State Prosecutor Theodore Villanueva at Senior Assistant State Prosecutor Lilian Doris Alejo ang binuong Prosecution Task Force on Cybercrime.
Sinabi ni Prosecutor General Claro Arellano, nagpulong na ang mga bihasa at beteranong prosecutor para sa babalangkasing plan of action.
Prayoridad ng task force ang pagpapatupad ng Cybercrime Law na may kinalaman sa child abuse, business fraud at network security.
Kabilang sa mga paglabag na sasaklawin ng task force ay ang mga krimen sa ilalim ng Anti-Photo and Voyeurism Act of 2009, Anti-Child Pornography Act of 2009, e-Commerce Act, Access Devices Regulation Act at Anti-Wiretapping Law.
Kaugnay nito, umapela si De Lima sa Korte Suprema na bumuo rin ng mga hukuman na tututok sa mga kaso ng cybercrime.