Mga laro ngayon: (Sto. Domingo, Ilocos Sur)

2 p.m. Generika vs RC Cola

4 p.m. Mane ‘N Tail vs Petron

Pagsalo sa liderato ang tatangkain ngayon ng Petron Blaze Spikers sa pagsagupa sa baguhan ngunit napakadelikadong Mane ‘N Tail sa unang pagdayo ng 2014 Philippine Super Liga (PSL) Grand Prix na iprinisinta ng Asics sa Sto. Domingo, Ilocos Sur.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Una munang magsasagupa ang Generika Life Savers at RC Cola-Air Force Raiders sa ganap na alas-2:00 ng hapon bago ang inaasahang matinding sagupaan sa pagitan ng nagpapakitanggilas na Mane ‘N Tail Stalions at Petron Blaze Spikers sa ganap na alas-4:00 ng hapon.

Aminado si Petron coach George Pascua na hindi niya gaanong kabisado ang laro ng Stalions ni dating national coach Francis Vicente kung saan ay pinangangambahan din nito ang posibleng paninibago at reaksiyon ng mga manlalaro sa harap ng maraming tao.

“Truth is, we are totally blind against Mane ‘N Tail,” pahayag ni Pascua.

“Hindi namin masyadong kabisado ang laro ng mga player nila and knowing coach Francis (Vicente), he will really come prepared in the game,” giit ni Pascua.

Huling tinalo ng Blaze Spikers sa pagbubukas ng ikalawang kumperensiya ang Generika sa loob ng apat na sets, 26-24, 25-18, 23-25, 25-23, bago magtungo ang koponan sa Ilocos Sur kung saan ay isasagawa ang ikalawang laban sa probinsiya matapos ang matagumpay na unang out-of-town sa Cebu.

“We will watch the video of their (Petron) game,” pahayag naman ni Vicente.

“They have height, (Bergsma at Santiago) at magaling ang kanilang setter (Adachi) kaya malakas ang opensa nila. We will see how our scouting works,” dagdag nito.

Ikinatuwa naman ni Ilocos Sur Governor Ryan Luis Singson ang pagsasagawa ng liga sa kanilang lugar sa unang pagkakataon kung saan ang kanilang ipinagmamalaking lalawigan ay isa sa kandidato bilang “New Seven Wonders of the World” at isa sa mga heritage site ng UNESCO.

Hangad naman ng Generika Life Savers na masungkit ang unang panalo sa pagsagupa nila sa bumabangon na RC Cola-Air Force. Matatandaan na nabigo ang RC Cola sa unang laro kontra sa Cignal, 17- 25, 23- 25, 23-25, bago nakabawi sa ikalawang laro laban sa baguhang Foton Tornadoes, 25-13, 25-20, 24-14.

Umaasa naman ang pamunuan ng PSL, partikular ang presidente at founder na si Ramon “Tats” Suzara, PSL Chairman Philip Ella Juico at Commissioner Dr. Ian Laurel na mahihigitan ng Ilocos Sur ang mainit na naging pagtanggap ng Cebu sa buong delegasyon ng liga.

“Ilocos Sur Governor Ryan Luis Singson is so excited to stage the league,” pagmamalaki ni Suzara.

“The involvement of the local government is a positive thing not just for the entire volleyball community but also for the good of the youth and the sports of volleyball,” saad pa ni Suzara.

Kasama ang mga opisyal ng Ilocos Sur at mga miyembro ng apat na maghaharap na koponan, nagsagawa muna sila ng motorcade sa buong lugar bago ang isang press conference kasama si Singson.