Umapela sa mga Pinoy si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na makiisa sa isasagawang “National Sign-up Day Against Pork Barrel System” ng People’s Initiative Against Pork Barrel bukas.
Ayon kay Pabillo, chairman ng Episcopal Commission on Public Affairs (ECPA) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), gaganapin ang naturang aktibidad sa iba’t ibang simbahang Katoliko sa bansa matapos ang morning mass bukas.
Ipinaliwanag ni Pabillo na mahalagang maisulong ang panukala na magbabawal sa pork barrel o lump sum fund na nasa ilalim ng pagpapasya ng mga kinatawan sa Kongreso, Department of Budget and Management (DBM) at ni Pangulong Benigno S. Aquino III.
Iginiit ng obispo na ang pork barrel at iba pang lump sum funds ay nagiging daan ng patronage politics at katiwalian o ang pagkasayang ng pondo na dapat ay inilalalaan sa mga serbisyong panlipunan. Inaasahang makikiisa sa naturang aktibidad ang Redemptorist Church sa Baclaran, Sta. Cruz Church sa Maynila at Quiapo Church o Minor Basilica of the Black Nazarene, gayundin ang mga simbahan sa Apostolic Vicariate of Puerto Princesa sa Palawan, ang Diocese ng Sorsogon, Romblon, Borongan sa Eastern Samar, Archdiocese ng Tuguegarao, Archdiocese of Cebu, Diocese ng Kidapawan at San Carlos.
Layunin nitong makalikom ng 10 porsiyentong lagda ng kabuuang bilang ng registered voters sa Pilipinas upang maipasa ang panukalang “Pork Abolition Bill” sa Kongreso.
Naninindigan naman si Pabillo na kailangan nang magkaroon ng batas na pipigil sa sinumang opisyal ng pamahalaan na gamitin ang pondo ng bayan sa pansariling kapakanan.