Sunud-sunod nang nag-aanunsiyo ng kasal ang ilang tanyag na artista. Halata sa mga ikinikilos at sinasabi ng mga nakatakdang mag-isang-dibdib ang kakaibang kaligayan at pananabik sa bagong buhay na kanilang susuungin sa paghakbang ng panahon. Tunay ngang kulay rosas ang kanilang daigdig, at matamis ang simoy ng hangin. Sa inyo, asam ko ang maligaya, masagana, at malusog na pag-iisang-dibdib.
Ibabahagi ko naman sa iyo itong pinadala sa akin sa email ng isa kong amiga. Kathang-isip lamang ito para lumikha ng katatawanan at nawa maenjoy mo:
Isang dictionary daw ang ilalabas sa susunod na mga araw, na nagbibigay ng mga bagong kahulugan tungkol sa kasal na gusto talagang malaman ng mga kinauukulan. Narito ang ilang salitang may mga bagong kahulugan...
- Binata - Isang lalaking umiwas sa oportunidad na gawing miserable ang buhay ng isang babae. Mas masaya ang binata kung walang nobya. Ang binata ang hindi umuulit ng isang pagkakamali; isang lalaking naniniwala sa kapayapaan, kalayaan, at kaligayahan. Ang binagay ay ni minsan hindi nagsinungaling sa kanyang misis.
- Bride – Isang babae na puno ng kaligayahan at pag-asa sa buhay bago siya ikasal.
- Compromise – Isang magandang areglo ng mister at misis kung saan kapwa sila sang-ayon na si Misis palagi ang dapat na masusunod.
- Diplomat – Isang mister na kayang kumimbinsi sa kanyang misis na kapag nagsuot ito ng maluluwag na damit ay magmumukha itong mataba.
- Housework – Ito ang ginagawa ng misis nang walang nakapapansin hanggang hindi na niya ito ginagawa kasi nga walang pumapansin.
- Mister – Isang lalaking nagsuko ng lahat ng kanyang pribilehiyo sa buhay na hindi niya alam na mayroon pala siya. Siya ang nagkokontrol ng lahat sa bahay pati mga naninirahan dito – kung papayagan siya ng kanyang misis.
- Misis – Isang propesyon na pinaglalaanan ng mahahabang oras, kaunting pahinga, kaunting suweldo at walang award ngunit siya ang tunay na batas sa loob ng tahanan.
- Asawa – Siya ang tutulong sa pag-solve ng lahat ng problema mo na wala naman dati noong hindi ka pa nagaasawa.
- Pag-ibig – Isang matinding sakit na ginagamot ng kasal.