Malaking hamon para sa grandslam champion Purefooods Hotshot, na dating kilala bilang San Mig Coffee, kung paanong babangon at maipapanalo ang mga susunod nilang laro kasunod ng kanilang natamong 73-93 pagkabigo sa Alaska sa una nilang laro sa PBA Philippine Cup.

Ayonkay 2-time MVPJames Yap, kinakailangan na nilang mag-step-up at maglaro nang naaayon sa sinusunod nilang sistema kung nais nilang madugtungan ang natamong tagumpay noong nakaraang season.

Ngunit sa simula pa lamang ng kanilang kampanya para sa PBA 40th Season ay isang dagok na agad ang tumama sa koponan nang ma-injured ang kanilang sophomore big man na si Ian Sangalang na hinihinalang nagtamo ng ACL injury sa kanilang unang laban.

At ang masaklap nito, nakabakasyon din ang isa sa kanilang main big man na si Jean Marc Pingris at hindi pa nagbabalik sa ensayo buhat sa stint nito sa Gilas Pilipinas.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Dito na makikita at masusukat kung hanggang saan ‘yung kaya namin, maging ‘yung karakter ng team,” pahayag ni Yap.

“Kasi wala si Ping, tapos heto, mawawala pa si Ian, kailangan talagang mag-step-up ng lahat para mapunan kung anuman ‘yung wala ngayon,” dagdag pa nito.

Ayon kay Yap, kailangan nila ngayong magtulung-tulong para mapanindigan ang napakalaking “expectation” sa kanila bilang grandslam team.

“Ngayon kasi lahat ng teams kami ‘yung target na talunin. E kung magrerelax lang kami, walang mangyayari, siguradong kakainin kami ng buhay. Kailangan talaga na magtulungan. Tapos na ‘yung grandslam e, ibang season na ito,” ayon pa kay Yap.