Ang palpak na koordinasyon sa pagitan ng Senate Blue Ribbon subcommittee at kampo ng kontrobersiyal na negosyante na si Antonio Tiu ang ugat ng naunsiyaming ocular inspection sa 350-ektaryang lupain sa Rosario, Batangas kung saan ang itinuturong may-ari ay si Vice President Jejomar C. Binay.

Bitbit ang sangkaterbang media, nagtungo si Senator Antonio Trillanes IV, chairman ng subcommittee na nagiimbestiga sa mga katiwalian na kinasasangkutan umano ng pamilya ng bise presidente, sa Rosario upang inspeksiyunin ang tinaguriang “Hacienda Binay”.

Sa kanyang unang pagtatangkang makapasok sa pasilidad, hindi pinayagan ng mga sekyu ang grupo ni Trillanes na magsagawa ng inspeksiyon sa lugar.

Hindi batid ng senador na sumilat si Tiu kay Sen. Aquilino “Koko” Pimentel na maaari nilang inspeksiyunin ang lupain subalit mula 3:00 hanggang 5:00 ng hapon lamang.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nakasaad din sa liham na tanging ang mga miyembro lamang ng komite ang maaaring pumasok sa hacienda.

Sa puntong kakanselahin na ni Trillanes ang ocular inspection, dumating si Tiu sa lugar at pinayagan na rin mapasok ang kontrobersiyal na hacienda. - Hannah L. Torregoza