Ni GENALYN D. KABILING

Nagpahayag ng kahandaan si Pangulong Aquino na makasuhan, kahit pa makulong, kung maghahain ng reklamo ang kanyang mga kritiko sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2016.

Tanggap na ng Pangulo ang posibilidad na kasuhan siya bunsod ng kanyang mga desisyon na, aniya, ay bahagi ng kanyang trabaho.

Kabilang na rito ang isyu ng kontrobersiya sa Disbursement Acceleration Program (DAP).

Tawi-Tawi, niyanig ng magnitude 5.0 na lindol

“If there is a situation where we’re back to an unjust judicial system, then that is a necessary consequence,” pahayag ng Pangulo sa forum ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP).

Ayon sa Punong Ehekutibo, ang kanyang mga desisyon sa pamamalakad ng gobyerno ay biglaan lamang subalit resulta ng pakikipagkonsultasyon at masusing pag-aaral mula sa iba’t ibang sektor.

Aniya, ang katotohanan ang kanyang magiging pinaka-epektibong kalasag hinggil sa kanyang mga desisyon sa pamahalaan.

“It’s not a question of sloganeering or semantics. At the end of the day, we committed to doing the best for our people and the truth will be our greatest shield if and when we are called to action or we’re called to address any and all of these supposed issues against us,” aniya.

Aminado si Aquino na posibleng tangkain ng kanyang mga kritiko na buweltahan siya matapos ang kanyang panunungkulan sa Malacañang.

Pabirong sinabi rin ni PNoy na hindi siya magugulat na maging ang pagpatay sa pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal ay isisi sa kanya dahil ang posibilidad na kasuhan siya ay kakambal ng kanyang trabaho bilang pangulo ng bansa.