Mga laro ngayon: (Smart Araneta Coliseum)

4:15 p.m. NLEX vs. Talk ‘N Text

7 p.m. Blackwater vs. Rain or Shine

Pagsosolo sa liderato ang pansamantalang tatargetin ng baguhang NLEX Road Warriors sa kanilang nakatakdang pagsagupa sa Talk ‘N Text ngayon sa Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.

National

Makabayan bloc, pinuna balak ni FPRRD na maging abogado ni VP Sara: 'Desperate political maneuver!'

Tatangkain ng Road Warriors, na ang core ng koponan ay binubuo ng mga manlalarong nabili nila sa prangkisa ng Air21 Express, na makamit ang kanilang ikalawang sunod na panalo na magluluklok sa kanila sa solong pamumuno sa pagtutuos nila ng Tropang Texters sa ganap na alas-4:15 ng hapon.

Una rito, mag-uunahan namang makapagtala ng kanilang unang panalo ang baguhang Blackwater at ang Rain or Shine sa tampok na laro ngayong alas-7:00 ng gabi.

Binigo ng Road Warriors, sa pamumuno ng pinakamatandang manlalaro ng liga, ang 41-anyos na si Paul Asi Taulava, ang nakatunggaling Globalport Batang Pier noong nakaraang Martes, 101- 96.

Umatake si Taulava sa fourth period kung saan ay isinalansan nito ang 12 sa kanyang kabuuang 21 puntos, na kinabibilangan ng 13-of-17 shooting sa free throw line, para giyahan ang Road Warriors sa nasabing came-from-behind win.

Mataas ang morale dahil sa nasabing tagumpay, nakatakda ring makasama ng Road Warriors sa bench ang kanilang head coach na si Boyet Fernandez na nakaupo lamang sa likuran nila laban sa Globalport dahil hindi pa natatapos noon ang kanyang obligasyon bilang mentor ng nakakumpletong 5-peat championships na San Beda College (SBC) Red Lions sa nakaraang NCAA Season 90 men’s basketball tournament.

Sa kabilang dako, aminado namang nangapa kung paano babalasahin ang kanyang mga tao sa loob ng court, umaasa si bagong Talk ‘N Text coach Jong Uichico na makabawi sila sa susunod nilang mga laro.

“Siyempre, nangangapa pa ako ngayon, on who will be more effective in the minutes I’ll be giving,” pahayag ni Uichico na halos dalawang linggo lamang na nakasama ang kanyang team bago nagsimula ang season dahil sa kanyang stint kasama ng Gilas Pilipinas sa nakaraang FIBA World Cup at Asian Games bilang isa sa mga assistant coach.

“Parang naging experiment itong game na ito, to see who is most effective, especially, defensively since we gave up 100 points,” dagdag pa ng 8th-time PBA champion coach.

Ngunit duda pa rin kung isasama na nito sa rotation sa larong ito ang Gilas player na si Ranidel de Ocampo na hindi muna nila ginamit sa opening day dahil makailan ulit lamang ito nakasama sa ensayo sa koponan.

Samantala, sa tampok na laban, muling daraan sa matinding pagsubok ang baguhang Blackwater Sports sa pagsalang nito sa Rain or Shine Elasto Painters na gaya nila’y magtatangkad ring makabawi sa pagkatalong nalasap sa una nilang laban noong nakaraang Martes sa kamay ng San Miguel Beermen, 79-87.

Ayon kay Elite coach Leo Isaac, sisikapin nilang mag-focus sa kanilang laro na siyang nawala sa kanyang mga player sa opening day nang talunin sila ng kapwa baguhan na Kia Sorento, 66-80. Sa kabilang dako, wala pang kumpirmasyon kung kakayaning makalaro ni Gilas player Paul Lee ngayong gabi makaraang magtamo ng hyperextended knee matapos ang masamang pagbagsak sa nakaraang laban nila sa Beermen.