Ni AARON RECUENCO
Naghain ng isang liham ng protesta ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa German Embassy bunsod nang sapilitang pasukin nito ang isang compound sa Camp Aguinaldo noong Miyerkules kung saan inilagay sa “restrictive custody” sa isang holding facility si US Marine Pfc. Joseph Scott Pemberton, na itinuturong pumatay sa fiancée ng banyaga na si Jeffrey “Jennifer” Laude.
Sinabi ni Lt. Col. Harold Cabunoc, AFP-Public Information Office (PIO) chief, nilabag umano ni Marc Sueselbeck ang ilang regulasyon ng Camp Aguinaldo nang akyatin nito ang bakod ng pasilidad ilang minuto matapos ipasok sa holding facility si Pemberton.
“This pertains to the incident that happened at around 4 p.m. yesterday (October 22) wherein Mr Sueselbeck entered an off-limits area, the MDB-SEB (Mutual Defense Board-Security Exchange Board) facility, where Private First Class FC Pemberton is currently being held,” anang militar sa isang pahayag na inilabas sa media.
“In doing so, Sueselbeck violated Presidential Decree No. 1227, or the law Punishing Unlawful Entry into Any Military Base in the Philippines.”
Inireklamo din si Sueselbeck nang itulak nito ang isang Pinoy na sundalo sa kanyang pagpupumilit na makalapit sa kinaroroonan ni Pemberton.
Ayon kay Cabunoc, isinailalim na ang military guard sa medical checkup sa Camp Aguinaldo Station Hospital upang madetermina kung mayroon itong tinamong pasa sa nangyaring pagtulak at pagpupumiglas ni Pemberton nang ito ay pinaaalis sa lugar.
Nang tanungin ng media kung maghahain din ang AFP ng reklamo laban sa kapatid ni Jennifer na si Marilou Laude, na unang umakyat ng bakod kasama ang abogado ng biktima na si Harry Roque, sinabi ni Cabunoc na pinag-aaralan pa ito ng liderato ng militar.