Pinag-aaralan na ng Department of Justice (DoJ) na hilingin sa gobyerno ng Malaysia ang ikonsidera muli sa ginawa nitong pagtanggi sa hiling na extradition kay Manuel Amalilio, founder ng Aman Futures.
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, bagamat wala namang umiiral na extradition treaty ang Pilipinas sa Malaysia, maari pa ring ipursige ang pagpapabalik kay Amalilio sa pamamagitan ng Mutual Legal Assistance Treaty (MLAT) na umiiral sa mga bansang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Sa kabila nito, pinag-aaralan na rin ng legal team ng DoJ kung ano ang iba pang hakbang na maaring gawin para mapabalik sa Pilipinas si Amalilio at mapaharap ito sa mga kaso kaugnay ng libu-libong nabiktima ng Aman Futures na sangkot umano sa pyramiding scam.
Kasabay nito, sinabi ni de Lima na inaalam na nila ang dahilan sa ginawang pagtanggi ng Malaysia sa extradition ni Amalilio na nakalaya na mula sa bilangguan matapos pagsilbihan ang dalawang taong sentensya dahil sa pagbitbit ng pekeng Philippine passport at ID.
Nais ng kalihim na makakuha ng kopya ng desisyon para malaman ang dahilan kung bakit hindi na itinuloy ang extradition.
Plano rin ni de Lima na iparating sa Malaysia sa pamamagitan ng diplomatic channels ang malalim na pagkadismaya ng DoJ sa kanilang desisyon lalu pa’t matindi ang magiging epekto nito sa mga kasong large scale estafa na kinakaharap ni Amalilio.