Itinaas ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Crisis Alert Level 3 o voluntary repatriation sa Yemen dahil sa patuloy na banta ng pagkubkob sa kabisera ng Sanaa ng mga rebeldeng Houthi at ang pag-atake sa mga sibilyan ng mga miyembro Al Qaeda sa Arabian Peninsula (AQAP).
Sa ilalim ng Alert Level 3 boluntaryong pinapalikas o pinauuwi ang mga Pinoy habang awtomatikong ipinatutupad ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang deployment ban ng overseas Filipino worker (OFW).
Ang mga Pinoy na nagtatrabaho o naninirahan sa Yemen ay hinihikayat naman ng DFA na umuwi na ng Pilipinas para na rin sa kanilang kaligtasan.
Muling nagpadala sa Yemen ng Crisis Management Team (CMT) ang Embahada ng Pilipinas sa Riyadh, Saudi Arabia na siyang may hurisdikiyon sa naturang bansa upang alalayan at tulungan ang mga kababayang nagnanais nang umuwi ng Pilipinas.