Kung mayroon mang isang dapat na tanghaling bayani sa naging panalo ng San Beda College (SBC) at pagkumpleto sa 5-peat sa katatapos na NCAA Season 90 men's basketball tournament, ito'y walang iba kundi ang playmaker na si Baser Amer.
Habang pinaparangalan ang kakamping si Anthony Semerad bilang Finals MVP, buong pagmamalaki naman siyang pinalakpakan ni Amer kasabay ng mga libu-libong San beda fans na nanood ng finals ng Red Lions at Arellano University (AU) Chiefs sa MOA Arena sa Pasay City noong Miyerkules.
Ngunit habang isinisigaw ng fans ang mga mga letrang "MVP" na pinatutungkulan si Semerad, hindi naman nawala sa isipan ng mga miyembro ng NCAA Press Corps na tumugaygay sa championships series kung sino ang pinakamalaking dahilan kung bakit nakamit ng Red Lions ang hangad na 5-peat.
Game One pa lamang ay ramdam na ang presensiya ni Amer at ang lidera to nito sa team rna tapos magposte ng all around performance na 17 puntos, 6 rebounds at 7 assists.
Sa Game Two, kung saan ay sinikap nitong huwag indahin ang nararamdamang pamumulikat para matulungan ang kanyang teammates, first half pa lamang ay mayroon nang naitalang 11 assists ang Davaoeno na si Amer hanggang sa umabot sa 13 sa pagtatapos ng laro sa kabila ng limitadong minuto nito sa second half.
Nagtapos lamang siya na may 4 puntos sa Game Two, ngunit hindi ito sapat na basehan upang balewalain ang ipinakita niyang liderato sa koponan tungo sa kampeonato.
"Baser leads this team. Whenever Baser wants to go, there's where San Beda goes," pahayag ni San Beda coach Boyet Fernandez tungkol sa kanyang manlalaro. "He even got cramps earlier. Sobrang wala ka namang masasabi sa kanya. He really wants this five-peat."
Ngunit sa kabila ng mga papuri na kanyang natanggap, nanatili pa ring mapagkumbaba ang itinuturing na pangunahing guard ng liga kahit pa na nabigo itong makakuha ng individual award sa pagtatapos ng taon.
"It's a gift. Masaya ako kasi nakuha namin 'yung goal namin, 'yung five-peat. Malaking gift to sa akin. 'Di namin makakalimutan ito. Kami naman talaga ang nagtulung-tulong para dito e," ayon kay Amer na nagpahayag din na wala pang katiyakan kung lalaro pa siya sa kanyang huling taon para sa Red Lions sa 2015.