GENERAL SANTOS CITY – Iniimbestigahan ng Senate Committee on Justice and Human Rights ang umano’y mahigit 5,000 pekeng titulo ng lupa na kumakalat sa siyudad.

Sinabi ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel III, chairman ng Senate Justice and Human Rights Committee, na naaalarma siya sa mga ulat na may 5,000 pekeng titulo ng lupa ang kumakalat ngayon at umaangkin sa ilang lupain sa siyudad na lehitimong nabili.

Ayon sa lokal na awtoridad, ang pamemeke ng mga titulo ng lupa ay nagresulta sa pagtambak ng mga court docket, hindi nareresolbang mga pagpatay at pagkakaroon ng mga sindikato sa pagrerehistro ng lupa.

“Ang pagkalat ng mga pekeng land title ay nangangahulugan na kumikilos ang maraming land registration syndicate sa maraming bahagi ng bansa,” sabi ni Pimentel.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Sinabi ng senador na kailangan nang makialam ang Kongreso sa paninindikato sa sistema ng land registration at nagpanukala ng mga hakbangin upang maresolba ang problema.

Ang hakbangin ni Pimentel ay kasunod ng serye ng mga kilos-protesta ng Coalition for Reforms Against Fake Titles (CRAFT) na nanawagan ng imbestigasyon sa pagkalat ng mga pekeng titulo ng lupa sa GenSan.

Batay sa pagdinig ng komite noong nakaraang linggo, sinabi ni Pimentel na may nakita sa mga ebidensiya na nababahiran ng iregularidad ang pagtititulo ng lupa sa GenSan.

Ayon kay Pimentel, iimbitahan sa susunod na pagdinig ng Senado ang ilang kawani ng Registrar of Deeds at mga lokal na korte upang magbigay-linaw sa napaulat na talamak na pamemeke ng titulo ng lupa sa siyudad na ito. (Joseph Jubelag)