Muling nakatikim ng “lecture” ang mga foreign at local media kay Pangulong Aquino kung paano nila isusulat ang kanilang ibabalita.
Hinikayat ng Pangulo ang mga peryodista na maging balanse sa pag-uulat ng mga positibo at negatibong ulat.
Sa kanyang pagharap sa Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) sa Marco Polo Hotel sa Ortigas, Pasig City, sinabi ni Aquino na ilang media ang mas binibigyan ng prioridad ang mga negatibong ulat bagamat maraming magandang balita ang maaari ring ilathala.
Hinikayat ni Aquino ang mga mamamahayag na bigyan ng pagkakataon na “pag-asa ang mangibabaw” sa kanilang pag-uulat imbes na mga negative report sa mga kaganapan sa bansa.
“Media is part and parcel of society, and it is incumbent upon you to tell the truth, the whole truth, and nothing but the truth. These days, that also means accurately representing the national condition by striking a healthy balance between the positive and the negative,” pahayag ni PNoy.
Bagamat tanggap ni PNoy na nakatutulong din ang mga kritisismo sa pag-unlad ng bansa, iginiit nito na dapat ring bigyan ng espasyo sa mga pahayagan at air time ang mga balitang nagdadala ng pag-asa upang magsilbing inspirasyon ng mga mamamayan. (Genalyn D. Kabiling)