ULTIMATUM ● Parang nawala na yata ang huling hibla ng pasensiya ni Mayor Erap Estrada ng Manila. Naglabas na siya ng ultimatum laban sa illegal drugs. Kaya kung ikaw ay gumagamit ng ilegal na droga na binibili mo sa iyong paboritong pusher, malamang na hindi ka na makabibili sa kanya. Sa isang panayam kay Mayor Erap, sinabi ng mahal nating bida na walang puwang sa Maynila ang illegal drugs kaya mahigpit nitong pinatututukan kay sa bagong luklok na Manila Police District (MPD) Director, Sr. Supt. Rolando Nana. Talagang magnananâ ang sugat na lilikhain ng kautusan ni Mayor Erap sa operasyon ng mga drug pusher.

Kailangan na kasing puksain ang paglaganap ng illegal drugs sa Maynila sapagkat napabalitang dumarami na ang kabataang nalululong sa substance na ipinagbabawal. Sinabi pa ni Estrada, maging isang karangalan ang pagkakaroon ng drug-free na komunidad sapagkat nagpapakita ito ng mahusay na pamamahala ng mga opisyal nito. Dagdag ni Estrada, na ang kanyang ultimatum ay hindi lamang sa mga kabataan kundi para sa lahat at kabilang ang iba pang opisyal at pulisya ng lungsod. Tugon naman ni Nana sa kautusan ni Estrada, nagsasagawa na sila ng mga anti-illegal drug campaign at monitoring sa mga lugar na pinaniniwalaang talamak ang droga. Talagang seryoso na ang pamunuan ang Maynila na linisin ang lungsod sa masasamang elemento.

BUHAY ANG KAPALIT ● Bakit nais ni Mayor Erap na malinis ang kanyang nasasakupan? Kasi nga nakasisira ng buhay ang illegal na droga – buhay ng tao at buhay ng komunidad. Kung walang pag-asang magbago ang tao, walang maunlad na komunidad na maaaasahan. Sadyang may mga taong matigas ang ulo at ayaw pasakop sa batas. Kaya naman dalawang pusher ang napatay sa Davao City noong isang araw lang. Nanlaban kasi ang mga ito sa pulisya. Nang sitahin ng pulis ang dalawang lalaking suspek, agad pinaputukan ng mga ito ang mga pulis na gumanti ng putok at tinamaan ang dalawa. Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng dalawang napatay na pusher na pinaniniwalaang responsable sa pagpapakalat ng droga sa Isla Verde at iba pang karatig lugar sa lungsod. Kung sumuko na lamang sila, hindi sana nila sinapit ang kamatayan. Kung sa bagay, dahil buhay ng iba ang sinisira ng mga pusher, marahil naisip nilang mamatay na lamang kaysa mahoyo at doon sila magdusa habang humihinga sila... na nababagay naman talaga sa mga katulad nila.

Calatagan, Batangas, niyanig ng 5.4-magnitude na lindol