MULING tumanggap ng parangal ang News5 host at sikat na multimedia personality na si Lourd de Veyra pagkilala sa kanya bilang Best Culture-Based Documentation Host ng National Commission for Culture and Arts (NCCA).

Kinilala at pinarangalan ng NCCA si Lourd dahil sa kanyang patuloy na epektibong kontribusyon sa pagbibigay-kaalaman at pagpapahalaga sa kultura at kasaysayan ng Pilipinas, sa pamamagitan ng kanyang dalawang programa sa TV5 — ang History With Lourd (tuwing Miyerkules, 10:30 PM) at Word of the Lourd (tuwing Biyernes sa Aksyon sa Umaga).

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Ang dalawang programang ito ng Kapatid Network ay patuloy na humahakot ng parangal at tinututukan ng mga manonood dahil sa kakaibang handog na saya at kaalaman. Gaya ng tagline nitong “Tsismis noon, Kasaysayan ngayon”, tinatalakay ng programang History with Lourd ang mga kontrobersiyal na usapin sa kasaysayan ng bansa — mga history lessons na kailanman ay hindi itinuro sa mga eskwelahan. Samantala, sa Word of the Lourd naman, tampok ang mga nakakatuwang komentaryo ni Lourd patungkol sa mga iba’t-ibang mahahalagang balita at politikal na isyu sa Pilipinas, na patok na patok lalo na sa netizens.

Malaking tagumpay ang 2014 para kay Lourd na nag-uwi rin ng parangal para sa History with Lourd bilang Outstanding Achievement in Broadcast Media (Television) sa Hildegarde Awards. Ngayong taon din ginawaran si Lourd ng Adamson Media Award, natalo niya ang iba pang bigating media practitioners sa bansa para maging pang-apat pa lamang na personalidad na nagkamit ng naturang parangal na ito.

Napapanood din si Lourd bilang isa sa mga main host ng morning news program ng TV5, ang Aksyon sa Umaga (Lunes hanggang Biyernes simula 5:00 AM), pati na rin bilang weather man ng primetime newscast na Aksyon (Lunes hanggang Biyernes ng 6:15 PM).