SA nalalapit na pagtatapos ng Ikaw Lamang bukas ay maraming hindi makakalimutan ang mga bidang sina Coco Martin, Kim Chiu, at KC Concepcion.
“Napakagandang experience ang naibigay ng Ikaw Lamang para sa akin bilang aktor. Pakiramdam ko para akong gumawa ng dalawang soap opera dahil sa dalawang karakter na ginampanan ko bilang sina Samuel at Gabriel,” sabi ni Coco.
Dream come true naman para kay Kim na nakaeksena na niya ang iba’t ibang award-winning na performers sa industriya.
“Ang sarap sa pakiramdam na sabay-sabay kong nakatrabaho ‘yung mga iniidolo kong artista sa isang proyekto. Ang dami kong natutunan tungkol sa buhay at sa pag-arte mula sa kanila,” sabi ni Kim.
Naging malaking hamon para kay KC ang pagpasok sa kuwento ng Ikaw Lamang bilang si Natalia. Aniya, “Sobrang challenging siya para sa amin dahil napakalaking pagbabago ang nangyari sa teleserye nang dumating ‘yung mga karakter namin. Pero nagpapasalamat ako dahil napasama ako sa ganito kalaki at kagandang teleserye.”
Pawang mga papuri rin ang sinasabi ng gumanap bilang young Franco at Mona na sina Jake Cuenca at Julia Montes sa naging tagumpay ng master teleserye.
“Hanggang ngayon, napaka-inspirational pa rin ng Ikaw Lamang para sa akin hindi lang dahil sa ganda ng kuwento nito kundi dahil din sa buong cast, crew, at mga direktor nito,” ayon kay Jake.
“Dahil sa dami ng natutunan namin mula sa lahat ng nakatrabaho namin, feeling namin para kaming nakapagtapos ng isang buong course sa college,” sabi naman ni Julia.
Ayon sa source namin sa production ng Ikaw Lamang, mayayanig ang televiewers ngayong hindi na magpatatalo si Gabriel kay Franco (Christopher de Leon) dahil sa pagpatay nito sa kanyang amang si Samuel (Joel Torre). Inaabangan ng followers ng serye kung makababawi na si Gabriel sa pagsira ni Franco sa buhay niya at kung makatutulong ba ang magkapatid na sina Natalia at Andrea (Kim) sa pagkamit ni Gabriel ng hustisya laban sa kanilang ama.
Pabitin pang sabi ng spy namin, baka raw may kinakailangang magsakripisyo ng buhay para lamang mapigilan ang kasamaan ni Franco.