Ipinagdiriwang ng bansa ngayong Oktubre 23, ang ika-157 kaarawan ni Juan Novicio Luna, isa sa mga dakilang alagad ng sining ng Pilipinas. Nag-iwan siya ng maraming obra ng sining, kung saan nakatatak ang kanyang talino at diwang pulitikal sa bawat canvas. Ang kanyang tanyang na obra maestra, inspirado ng realismo at romantisismo ng kanyang panahon, kabilang ang Spolarium, Parisian Life, Blood Compact, Death of Cleopatra, Tampuhan, Surrender of Granada, Happy Beauty, at ang Roman Ladies.

Inilagay niya ang sining at kultura ng Pilipinas sa mapa ng daigding, lalo na sa Europe kung saan itinanghal siya bilang master painter. Karamihan sa kanyang mga obra ay nagtamo ng internasyonal na pagkilala; ang Spolarium – na naglalarawan ng duguang mga katawan ng mga gladiator na hinihila sa Roman Collosseum habang nagdadalamhati ang mga pamilya nito – ang nagwagi ng gintong medalya sa National Exposition of Fine Arts sa Madrid, Spain noong 1884. Ang kanyang Battle of Lepanto, na kinomisyon ng Spanish Senate, ay nagawaran ng isang espesyal na gintong medalya sa Barcelona Exposition noong 1888. Marami sa kanyang obra ang naka-display sa National Museum, at sa pribadong mga koleksiyon sa Ayala Museum at Lopez Museum. Ang Blood Compact – ang makasaysayang paglalagda nina Sikatuna at Legazpi – ay nasa Malacañang.

Magdaraos ngayon ng mga seremonya ang mga opisyal ng gobyerno, mga administrador ng paaralan, at mga mag-aaral sa Juan Luna Shrine sa Badoc, Ilocos Norte, kung saan siya isinilang noong 1857. Isang galeria-museo ang nagpapakita ng vintage memorabilia at mga kasangkapan sa bahay ng pamilya Luna, pati na rin ang reproduksiyon ng kanyang premyadong mga obra. Idaraos ang pag-aalay ng bulaklak sa Sala de Profundis sa San Agustin Church sa Intramuros kung saan nakalibing ang kanyang mga labi noong 1953.

Hindi lamang sa sining mahusay si Juan Luna, kundi pati na rin sa kilusang repormista ng Rebolusyon ng Pilipinas kung saan tumupad siya ng malaking tungkulin, kasama ang kanyang malapit na kaibigan, ang pambansang bayani na si Dr. Jose P. Rizal, sina Graciano Lopez Jaena, at Gregorio Del Pilar. Naglingkod siya sa diplomatic service ng unang Republika ng Pilipinas.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Noong 1896, siya at ang kanyang kapatid na si General Antonio N. Luna, ay inaresto ng mga awtoridad ng Spain dahil sa subversion. Marami siyang ipinintang obra habang nasa piitan, kabilang ang Ecce Homo, isang matinding paglalarawan ni Kristo. Matapos mapatawad, nagtungo siya sa Europe. Noong Disyembre 10, 1899, matapos lagdaan ang Treaty of Paris, umanib siya sa Washington delegation upang igiit ang pagkilala sa gobyerno ng Pilipinas.

Nang mabatid niya ang kamatayan ng kanyang kapatid na si Antonio, nagpunta siya sa Hong Kong kung saan inatake siya sa puso noong Disyembre 7, 1899 at namatay. Inilibing siya sa Hong Kong at kalaunan, noong 1920, inilipat ang kanyang labi sa bahay ng kanyang anak na si Andres, at pagkatapos inilipat magmuli sa isang nitso sa San Agustin Church.