Pagsapit ng kalagitnaan ng Nobyembre, maraming Overseas Filipino Worker (OFW) ang magsisimulang magsiuwi para sa Pasko. Karamihan sa kanila ay magmumula sa West Africa kung saan 4,555 katao na ang namatay sa pinakahuling salot na tumama sa planeta – ang Ebola.

Mainam na handa na ang ating gobyerno para sa inaasahang pagdating ng libu-libong OFW na maaaring humawak o nahawakan ng mga biktima ng Ebola habang naroon sila sa ibayong dagat. Itinalaga ang Research Institute of Tropical Medicine (RITM) ng Department of Health (DOH) na pangunahan ang mga preparasyon para sa inaasahang pagbuhos ng mga manlalakbay mula sa Ebola danger zones.

Handa ang RITM sa pagpapatupad ng kanilang rapid-detection technology sa mga paliparan, laboratoryo, at trained personnel. Nagtatag na ito ng mga procedure na susundin sa sandaling dumating na ang tao na hinihinalang taglay ang naturang sakit. Mayroon na rin itong espesyal na silid na may nakahandang 50 kama para sa mga mako-confine. Naroon din ang kinakailangang kasangkapan upang protektahan din ang kanilang tauhan na mangangasiwa sa mga pasyente.

Kailangang maging bukas ang DOH sa karagdagang mungkahi, tulad ng iminungkahi ng Philippine College of Physicians na iisa lamang ang point of entry para sa mga OFW o iba pa na nagmumula sa mga bansa sa West Africa – Liberia, Guinea, at Sierra Leone. Ang iba pang paliparan sa bansa ay maaaring hindi handa upang pangasiwaan ang pagdating ng isang kaso ng Ebola.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Samantala, katanggap-tanggap naman ang mga ulat ng positibong pangyayari kaugnay ng epidemyang Ebola. Ang Nigeria, ang pinakamataong bansa sa Africa na may 160 milyong mamamayan, ay idineklarang Ebola-free makalipas ang 20 kaso na may walong patay. Ayon sa World Health Organization (WHO), nasagip ang maraming buhay dahil sa maraming likidong ginamit ng mga doktor.

Mayroong ding balita ng positibong resulta sa paggamit ng experimental drugs – isa rito ang gawa ng Canadian-American partnership at isa rin na gawa ng isang British company. Isang experimental vaccine ang dinibelop ng mga Canadian scientist at pinadala sa Switzerland para subukin ng WHO.

Nagkaroon na tayo ng maraming pandaigdigang pagbabanta nitong nakaraang mga taon – ang SARS Coronavirus noong 2003, ang H1N1 flu pandemic noong 2009. Bago iyon, mayroong AIDS epidemic. Hinarap na ng daigdig ang mga bantang ito at nagawang lampasan. Sa pandaigdigang pagpapakilos ng resources at sa sarili nating paghahanda sa ating mga balikbayan ngayong panahon ng Pasko, kaya nating harapin nang may kumpiyansa ang salot na Ebola.