Muling binigyang-diin ni Interior at Local Government Secretary Mar Roxas ang kahalaghan ng pagtupad sa umiiral na Full Disclosure Policy ng mga local government unit (LGU).
Sinabi ni Roxas na layunin ng ipinatutupad na disclosure policy na mapigil kundi man agarang mahinto ang korupsiyon sa hanay ng mga LGU sa pagsasapubliko ng disbursements, income, bidding at iba pang transaksiyon na pinasok at umiiral sa hanay ng lokal na pamahalaan.
Ipinaliwanag ni Roxas na kapag nabubuksan sa publiko ang mga proyekto at programang ipinatutupad ng LGUs ay nagkakaroon ng “check and balance” dahil nabibigyan ng pagkakataon ang mamamayan para repasuhin, busisiin at kuwestiyunin kung kailangan ang regularidad ng mga dokumento at programang ipinatutupad ng lokal na pamahalaan.
Pinaalalahanan din ng kalihim na hindi lang mga LGU ang inaatasang sumunod sa full disclosure policy kundi maging ang mga barangay.
Ayon kay Roxas, tulad sa mga LGU, dapat na maging bukas sa kaalaman ng taumbayan ang mga proyekto at programang pambarangay.
Bunsod nito, kailangang ipaskil din sa lahat ng tanggapan ng mga barangay ang mga dokumento sa lahat ng transaksiyon nito.
Hiniling ng kalihim ang pang-unawa ng local government sector sa paghihigpit ng gobyerno sa anti-corruption efforts nito dahil pagpapatotoo lang ito sa itinatakda ng programang Matuwid na Daan na kung walang corrupt, walang mahirap.