Isa na namang haligi ng peryodismong Pilipino – si Atty. Manuel F. Almario – ang pumanaw kamakalawa dahil sa massive heart attack. Si Manong, tulad ng nakagawian kong tawag sa kanya, ay nagsimula sa pamamahayag bilang reporter, kolumnista at editor sa iba’t ibang magasin at pahayagan. Sa kanyang pagyao, hindi malilimutan ng mga miyembro ng media ang kanyang makabuluhang bahagi sa pagbalangkas ng Journalist’s Code of Ethics (JCE). Hanggang ngayon at sa lahat ng pagkakataon, ang naturang mga alituntunin ng kagandahang-asal ang itinuturing na Bibliya ng mga mamamahayag. At bilang isa sa mga ama ng JCE, ito ang masasabing pamana ni Manong sa ating mga kapatid sa propesyon.
Bilang bahagi ng ating luksang parangal o eulogy kay Manong, nais kong bigyang-diin ang kanyang matapat na pagmamalasakit sa peryodismong Pilipino. Hindi niya kailanman isinuko ang kanyang mga prinsipyo sa pagtalakay ng maseselang isyu kahit na ang ganitong paninindigan ay mangahulugan ng pagtuligsa sa alinmang administrasyon. Katunayan, ang ganitong pagpapahalaga niya sa mga simulain ay naging dahilan ng kanyang pagkakakulong noong martial law. Nakasama niya sa Camp Crame detention center ang iba pang makabayan, tulad ng aming publisher na si Joaquin Roces, mga pulitiko tulad nina Sen. Jose Diokno at marami pang iba.
Marahil ay hindi naman isang kalabisan kung banggitin ko na si Manong ay tapat makisama. Katunayan, siya ang naging kasangguni ko sa lahat ng gawain sa National Press Club (NPC) sa loob ng ating limang taong panunungkulan bilang Presidente. Sa mga pagpupulong dito at maging sa ibang bansa, malimit ko siyang isinasama bilang miyembro ng delegasyon sa pagpupulong ng Confederation of ASEAN Journalists.
Sa halos lahat ng media forum, lagi kaming magkasama; hindi kumpleto ang kanyang araw kung hindi siya nakikidebate sa sinuman hinggil sa iba’t ibang isyu. Ito ay isang malaking sakripisyo, lalo na kung iisipin na hirap na siyang maglakad kahit na siya nakatungkod.
Iyan si Manong – isang total journalist. Sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa.