Pinigil ng Court of Appeals (CA) ang pagpapatupad ng utos ng National Telecommunications Commission (NTC) na i-refund ng Smart Communications ang sobra nitong singil sa text messaging.

Ito ay sa pamamagitan ng temporary restraining order (TRO) na inisyu ng CA Sixth Division kasunod ng petisyong inihain ng kumpanya.

Sa limang-pahinang resolusyon na may petsang Oktubre 17, 2014, partikular na pinigil ng appellate court ang pagpapatupad sa nasabing utos ng NTC noong Nobyembre 7, 2012 at Mayo 7, 2014 na nag-aatas ng refund dahil sa sobrang siningil sa SMS rate.

Sa kinuwestiyong kautusan, inatasan ng NTC ang mga telco na i-refund ang 20 sentimos na sobra nilang siningil sa kada off-net SMS bunga ng hindi pagsunod sa NTC Memorandum Circular 02-10-2011 noong Oktubre 2011.

National

Ofel, mas humina pa habang nasa vicinity ng Gonzaga, Cagayan

Sa nasabing memorandum, iniutos ng NTC na mula sa piso ay dapat ibaba ng telcos sa 80 sentimos ang singil sa kada off-net SMS o text message na ipinadadala sa pagitan ng magkaibang network.

Ito ay dahil iniutos ng NTC na mula sa 35 sentimos ay dapat na 15 sentimos lang ang interconnection charge na ipataw ng telcos.

Ang TRO ng CA ay tatagal ng 60 araw at magkakabisa kapag nakapagbayad na ang Smart ng P500,000 halaga ng bond.

Una nang nagpalabas ang kaparehong CA Division ng TRO pabor sa Digitel Philippines Inc.

Sa huling resolusyon ay itinakda rin ng appellate court ang pagdinig para sa hinihinging writ of preliminary injunction ng Digitel at Smart sa Nobyembre 10, 2014.