Sisikapin niyang pangunahan ang kanilang koponan na makamit ang pinakaaasam na unang titulo sa NCAA sa susunod na taon.

Ito ang ipinangako ni NCAA Season 90 men’s basketball tournament Most Valuable Player Earl Scottie Thompson makaraang tanggapin ang kanyang tropeo bilang pinakamahusay na manlalaro ng liga sa ginanap na awards rites noong Lunes sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

“Alam ko mahirap kasi apat ‘yung mawawala sa amin ngayong taon, pero sisikapin namin sa tulong ng teammates ko na makuha na ‘yung pangarap naming championship next year,” pahayag ng 21-anyos na si Thompson na tubong Digos, Davao del Sur.

Hindi rin maipaliwanag ni Thompson ang kanyang nararamdaman dahil sa natanggap na pinaka-prestihiyosong parangal at maging ikatlong manlalaro mula sa University of Perpetual Help System Dalta kasunod nina Eric Clement Quiday noong 1989 at Jojo Manalo noong 2000 na maging MVP ng liga.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Hindi ko naman talaga inisip na mangyayari ito. Ang gutso ko lang noong una, makabawi ako kasi hindi maganda ‘yung nilaro ko last year kasi nga nagri-recover pa lang ako sa naging injury ko,” pahayag ni Thompson.

“But since malaman ko na ako ‘yung nangunguna, parang ginawa ko na rin ‘yung challenge at motivation para sa sarili ko na mas pagbutihin pa kasi gusto ko nga manalo sana ang team namin ng championship. At siguro mas masarap sana yung pakiramdam kung kami ang lumalaban ngayon sa finals,” dagdag pa nito.

Samantala, sa juniors division, gaya ni Thompson ay hindi rin inaasahan ni Darius Estrella ng season host Jose Rizal University ang kanyang pagkapanalo bilang juniors MVP.

“Gulat na gulat po ako nu’ng malaman ko na ako ‘yung MVP,” pahayag ng 6-foot-1 na si Estrella na nakatakdang magdiwang ng kanyang ika-18 kaarawan sa katapusan ng buwan.

“Kasi hindi ko naman po talaga iniisip ito. Naka-focus po kasi kami du’n sa goal namin na makapasok sa Final Four and then kung andu’n na, ‘yung possibility na makapag-finals,” anang manlalaro na tubong Jala-Jala, Rizal na nagsimula lamang makipagsapalaran sa pamamagitan ng pagta-tryout a JRU Light Bombers team noong nakaraang taon.

“Bale walk-in tryout lang po, tapos nu’ng natanggap ako, nag-ulit na lang po ako ng third year high school sa JRU,” pahayag ni Estrella na nasa ikalawang

taon pa lamang ng pormal na paglalaro ng basketball sa isang liga ay malayo na ang inabot dahil sa ipinakitang talento.

Sa ngayon ayon kay Estrella, ay pinag-aaralan pa niya kung saan siya magpapatuloy ng pag-aaral at paglalaro ng basketball sa kolehiyo.

Ngunit nagpahayag na ng kanilang interes na mapanatili sa kanilang kampo ang juniors MVP ang pamunuan ng JRU.