Sa kaso ni Jeffrey Laude, nasabi na naman na history repeats itself. Noong pang nandito ang base militar ng Amerika, ganito na ang problema. Ang grabeng naganap noon, sa aking pagkakaalam, ay nang barilin at mapatay ng isang US serviceman ang dalawang batang Ita. Napagkamalan daw mga baboy damo ang mga ito pero ang totoo, ito ang paraan ng Kano para mapangalagaan ang kanilang Clark Air Base sa Pampanga sa mga pumapasok dito. Umani ng matinding batikos ang naganap na ito buhat sa sektor ng mag-aaral, manggagawa at magsasaka. Lalong lumakas ang kilusang nananawagan ng pagbuwag sa mga base military ng mga Kano sa bansa.
Walang pagkakaiba ang kaso ni Laude sa kaso ng mga nasabing Ita. Sa kamay ng mga Kano nalasap nila ang kanilang kamatayan sa sarili nilang bansa. Ang tanging pagkakaiba lang ay ang dahilan kung bakit naririto ang mga Kano. Sa kaso ng mga Ita, ang kanilang mga base militar, sa kaso ni Laude, ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Amerika at Pilipinas. Sa panahon ni Pangulong Cory, binuwag ng mga makabayang senador sa pangunguna ni Senate President Jovito Salonga at sa tulong ng pagsabog ng Mt. Pinatubo ang mga base militar ng Kano. Sa panahon ng kanyang anak na si Pangulong Noynoy, pinasok ng ating bansa ang VFA sa Amerika.
Pangdepensa laban sa Komunista ang dahilan noon kung bakit pinayagan ng mga lider natin ang Kano para itanim sa bansa ang kanilang base militar. Sa panahong iyon, mahigpit na inilalaban ng Kano ang pamamalagi nila sa South Vietnam. Kapag bumagsak daw ito, babagsak na ang mga susunod na bansa hanggang sa masakop na ang Pilipinas. Pero ang domino theory ito ay hindi naman nangyari gayong naagaw ng mga Vietnamese ang kanilang bansa sa mga Kano. Ang VFA naman ay pantutok daw sa China sa ginagawa nitong pambu-bully sa atin sa kanyang hangarin masarili ang mga isla sa West Philippine Sea na inaangkin din natin. Pero, tulad din ng mga base militar, ang VFA ay magbubunga pa ng mga trahedya tulad ng sinapit ni Laude, venereal disease at iba pang grabeng sakit sanhi ng pagtatalik. Parehong isyu rin kung tayo ay may karapatang ikulong at parusahan ang mga nagkasalang sundalong Kano habang nasa loob sila ng bansa. History repeats itself dahil hindi tayo natuto sa mga nakaraan nating pagkakamali dahil, sabi nga ni Sen. Claro M. Recto, ang lahi natin ay suicidal.