Apat na pilak at dalawang tanso ang agad nakolekta ng Philippine Sports Association for the Differently Abled—National Paralympic Committee of the Philippines (PhilSPADA-NPC Philippines) sa ginaganap na 2nd Asian Para Games sa Incheon, South Korea.
Ito ay matapos kolektahin ni Achelle Guion ang unang medalyang pilak sa women’s -45kg ng Powerlifting bago sinundan ni Ernie Gawilan ng tanso sa Men’s 200m Individual Medley SM8 sa swimming sa pinaka-unang araw ng kompetisyon ng torneo.
Itinala ni Marites Burce ang ikalawang pilak mula sa athletics sa women’s discus throw - F52/53/54 bago iniuwi ni Gawilan ang kanyang ikalawang tanso sa torneo sa paglangoy sa Men’s 400m Freestyle S8.
Ang inihagis ni Burce ay kanyang personal best na may layong 11.95m sa ikaanim na paghagis. Nanalo naman si Liwan Yang China na itinala ang 18.06 bilang Asian Para Games record.
Bumuhat naman si Guion ng 70kg Women’s -45kg kasunod ni Dandan Hu ng China na bumuhat ng 90kg.
Iniuwi naman ng Pilipinas ang una nitong medalya sa Tenpin Bowling Mixed Double (TPB 9/10 + TPB 9/10) mula kina Kim Ian Chi at Samuel Matias bago hinablot ng pares nina Julius Jun Obero at Rochelle Canoy ang ikaapat na pilak sa Wheelchair Dance Sport -Combi Latin Class 2.
Mayroon nang anim na medalya ang 54 kataong delegasyon ng Pilipinas na lumalahok sa walong sports.
Samantala, nabigo naman si Ruth Opena sa women’s T53 finals 200m, Jeanette Acebeda na 6th place sa Women’s Shot Put - F11/12 Final sa 6.55m at Raul Angoluan sa Men’s 800m (2:20.69).