Sinuspinde ng ilang oras ang pagdinig sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) sa kasong kriminal laban sa mga umano’y communist leader na sina Benito at Wilma Tiamzon nang harangin ng may mahigit 1,000 demonstrador ang main entrance ng Hall of Justice.
Ang protesta ay ginawa nang matapos ang pagdinig sa kaso ng mag asawang Tiamzon sa QC court kahapon ng umaga na nahaharap sa kasong kidnapping at illegal detention.
Sinasabing ilan sa mga nagprotesta ay nakipagtalo muna sa ilang security guard ng korte at saka hinarangan ang entrance lobby na naging dahilan upang mahinto ang pagdinig sa kaso ng mag-asawang Tiamzon.
Bunga nito, agad na pinaayudahan nina QC Councilors Eufemio Lagumbay, Ranulfo Ludovica, Allan Benedict Reyes, Victor Ferrer Jr., Jaime Borres, Jesus Manuel Suntay, City Engineer Joselito Cabungcal at Tadeo Palma secretary ni Mayor Herbert Bautista sa security personnel ng QC hall ang kanilang mga counterpart na nasa katabi nitong gusali sa QC court para mapanatili ang kaayusan doon.
Kinuwestyon din ni Lagumbay kung bakit nakalapit ang mga demonstrador sa gusali gayung lahat ng security personnel ay nakatalaga sa entrance ng Hall of Justice.