Ipinasa ng House committee on revision of laws ang panukalang batas na nagtatakda ng dagdag na requirements o mga kondisyon upang ang isang lalaking dayuhan ay makapag-asawa ng Pilipina.
Sinabi ni Pangasinan Rep. Marlyn L. Primicias-Agabas na layunin ng House Bill 4828 na ipinalit sa House Bill 2387 na inakda ni Cebu Rep. Gwendolyn F. Garcia na maprotektahan ang mga Pilipina laban sa pagsasamantala ng mga dayuhan na walang maliwanag na patunay na kayang sumuporta sa pamilya.
Batay sa panukala, ang dayuhan ay dapat magkaloob ng certificate of good moral character at certificate na siya ay mayroong negosyo, trabaho o iba pang pinagkukunan ng kita na magmumula sa diplomatic o consular official ng kanyang bansa, bukod pa sa certificate of legal capacity.