Inilatag na ng Land Transportation Office (LTO) ang “Oplan Undas” para sa All Saints Day at All Souls Day sa Nobyembre 1-2.
Ayon kay Assistant Director Benjamin Santiago III ng LTO-National Capital Region, simula sa Oktubre 27 ay round-the-clock nang magbabantay ang mga tauhan ng ahensiya sa mga terminal ng bus sa Metro Manila para alalayan ang dagsa ng mga pasahero na magtutungo sa mga lalawigan para dalawin ang puntod ng mga mahal sa buhay o kaya ay magbakasyon.
Aniya, mananatili ang mga tauhan ng LTO sa matataong lugar, gaya ng mga bus terminal, hanggang sa Nobyembre 3 para alalayan ang mga pasaherong pabalik sa Metro Manila.
Nanawagan si Santiago sa driver ng mga public utility vehicle (PUV) na huwag samantalahin ang okasyon kung hindi kumpleto ang mga papeles ng mga minamanehong sasakyan dahil umiiral na ang Joint Administrative Order (JAO) ng Department of Transportation and Communications(DoTC)-LTOL and Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nagpapataw ng mas mataas na multa sa mahuhuling lumalabag sa batastrapiko.
“Mas matindi tayo ngayon dahil implemented na ang JAO kaya magiingat sila sa pagmamaneho at dapat silang maging responsible driver,” dagdag ni Santiago.
Nabatid na ang non-moving traffic violation ay parurusahan ng JAO tulad ng expired registration, no registration, colorum vehicles , isnaberong taxi driver, out of line at iba pa. Ang moving violation tulad ng beating the red light, overtaking at iba pa ay saklaw naman ng panghuhuli ng MMDA traffic enforcer at local traffic unit.