Nina FER TABOY at FREDDIE LAZARO

Nakagapos ang magkabilang kamay, may pabigat na malaking bato sa beywang at may 26 na saksak sa katawan ang isang pampublikong guro na natagpuang wala nang buhay sa isang irrigation canal at hinihinalang biktima ng panghoholdap sa Barangay Tarinsing, Cordon, Isabela.

Naaagnas na ang bangkay ni Lawrence Andres, 33, guro ng Bugalion-Andarayan Elementary School at residente ng Villa Luna, Cauayan City nang matagpuan noong Martes ng umaga sa irigasyon sa Bgy. Tarinsing, Cordon.

Sa pagsisiyasat ng pulisya sa bangkay, nabatid na umabot sa 26 ang saksak na tinamo nito sa iba’t ibang parte ng katawan.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sinabi sa pulisya ni Noel Galiza, kaanak ng biktima, na Oktubre 17 pa nawawala ang guro matapos magbenta ng palay na nagkakahalaga ng P300,000 at isang kalabaw na nagkakahalaga naman ng P40.000.

Bukod sa napagbentahan ng palay at kalabaw ay nawawala rin ang Honda City ni Andres.

Ayon sa imbestigasyon, nagpaalam ang biktima sa kanyang misis na may pupuntahan pang meeting sa San Mateo, Isabela pagkatapos maibenta ang mga palay at ang kalabaw.

Masusi naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya, na blangko pa rin sa pagkakakilanlan ng suspek.