Malaki ang paniniwala ni dating world title challenger na may natitira pa siya sa tangke sa kanyang unti-unting pagsubok pa sa isang ring comeback.
Dumalo si Conception sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kasama ang kanyang grupo sa pangunguna ng promoter na si Elmer Anuran ng Saved By The Bell promotions at agad ipinahayag ang kanyang pagnanais na muling lumaban sa mas mababang dibisyon.
“Sa sarili ko meron pa po ako. Iniisip ko itong binigay sa aking chance na maibalik `yung dati, kaya nagsisikap akong muling makuha `yung kundisyon ko,” ani ng 26-anyos na si Concepcion, na napagitnaan ni Anuran at manager niyang si Ryan Gabriel sa regular na Tuesday session handog ng Accel, Shakey’s at Philippine Amusement and Gaming Corporation.
Ayon kay Anuran, hindi niya hahawakan ang tubong Virac, Catanduanes kung hindi siya naniniwala na kaya pa ni Concepcion na lumaban para sa isang world title at maging kampeon.
“We would like to revive the promising career of Abe Concepcion. But we need to move down in weight. Previously, he fights at 126 (featherweight), but now he’s campaigning at 122 (superbantamweight). We see more chances at 122. Abe just needs more exposure and assistance,” sabi ni Anuran.
Tinaguriang “The Real Deal,” si Concepcion ay may rekord na 32-6-2, kabilang dito ang 18 KOs. Ang kanyang huling apat na pagkatalo, samantala, ay nangyari nang siya ay lumaban bilang featherweight kasama rito ang title fights kontra Steve Luevano (World Boxing Organization championship) at Juan Manuel Lopez (WBO).
Matapos nito ay sumabak siya bilang super-bantamweight sa paguumpisa ng taon at nauwi sa technical draw ang kanilang sagupaan ni Eden Sonsona sa isang 10-round fight noong Hulyo sa Mandaluyong.
Ngunit ang kanyang naging pagpapakita kontra Sonsona ang kumumbinsi kay Gabriel na hindi pa huli ang lahat upang matupad ang pangarap ni Concepcion na maging world champion.
“Meron pa ito. Hindi pa huli ang lahat. Naniniwala kaming kaya pang ibalik si Abe,” sambit ni Gabriel.
Sinabi ni Anuran na tinitingnan niyang maisaposisyon ang isang laban sa Enero para sa comebacking Filipino fighter, maaaring sa Camarines Sur, kung saan maraming kamag-anak si Concepcion.
“We’re planning to have him fight for a regional belt muna to get his confidence back. Marami ang hindi na siguro naniniwala sa kanya, pero kami may tiwala pa rin kay Abe,” saad ng promoter mula Agoncillo, Batangas.
Anang Concepcion, susubukan niyang ibalik ang paniniwalang ibinigay sa kanya ng bagong promoter ngayong siya ay lalaban sa weight division na kumportable siya.
“Mas kumportable ako sa timbang na yun. Doon ko gustong makakuha ng title,” sabi niya.