ISULAN, Sultan Kudarat— Makaraang magpalabas ng pahayag ang pamunuan ng Department of Health (DoH)-Region 12, batay sa resulta ng pagsusuri ng National Epidemiology Center, kaugnay ng umano’y sakit na kasing bagsik ng Ebola virus na ikinamatay ng 10 katao, pinabulaanan ito ng pamunuan ng Sultan Kudarat Provincial Hospital, batay sa pahayag noong Oktubre 16 nina Madam Carmen Nor at Dr. Emmanuel de Peralta.
Nilinaw ni Nor na hindi sila tutol sa mga hakbangin ng DoH-Region 12 para iiwas sa sakit ang mamamayan sa lalawigan, at sinabing katuwang nila ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaang panlalawigan sa pagpapatupad ng maraming hakbangin laban sa sakit, partikular sa bayan ng Senator Ninoy Aquino.
Pinapangaralan at pinag-iingat ng pamahalaang panlalawigan ang mga residente ng Barangay Tenalon at mga karatig nito, na pinag-ugatan sa pagkain ng mahigit 100 katao ng double-dead na karne ng kabayo, na nagbunsod upang maospital ang mga ito at isa ang namatay sa provincial hospital.
Isa pa ang nasawi sa pagamutan sa Senator Ninoy Aquino at dalawang iba pa ang namatay, ayon kay Nor, na taliwas, aniya, sa iniulat ng DoH-Region 12 na 10 ang namatay sa nasabing sakit.
Tiniyak din ni De Peralta na nagsagawa na ng disinfection ang mga pagamutang tumanggap sa pasyente, at kinumpirmang hanggang ngayon ay wala pa silang natatanggap na may katulad na sakit o nahawahan ang mga pasyente.
Kaugnay nito, pinayapa ni Nor ang mga residente na walang dapat ikaalarma sa nasabing sakit. - Leo P. Diaz