Ni JEFFREY G. DAMICOG

Hiniling ng mga abogado ni Senator Jose “Jinggoy” Estrada na harangin ang presentasyon ng ledger ng whistleblower na si Benhur Luy na gagamitin ng prosekusyon bilang ebidensiya na nakatanggap ng kickback ang mambabatas mula sa tinaguriang pork barrel mastermind na si Janet Lim Napoles.

Itinigil ng Sandiganbayan Fifth Division ang presentasyon ng ledger dahil sa pagtutol ng depensa.

Sa halip, inatasan ng Fifth Division ang mga abogado ni Estrada na maghain ng motion to suppress evidence sa loob ng tatlong araw.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

“We objected to it (presentation) because it is against the E-Commerce Act and also to the Anti-Cybercrime Law,” pahayag ni Alexis Abastilla-Suarez, isa sa mga abogado ni Estrada.

Ipinaliwanag ni Suarez na ang na-encode ang ledger mula sa computer ng JLN Corporation na pagaari ni Napoles.

“According to the law, it is unlawful for him to introduce evidence without the permission or the consent of the owner of the files,” giit ng depensa.

At dahil saklaw lamang ng immunity ni Luy ang mga dating krimen na kinasangkutan nito, nagbabala si Suarez na maaaring makasuhan ang whistleblower kung ipipilit nitong gamitin ang ledger bilang ebidensiya laban sa kanyang kliyente.

Sa kabila ng pagharang ng depensa sa presentasyon ng ledger, tiniyak ni Suarez na hindi nababahala si Estrada sa nilalaman ng dokumento dahil wala naman itong datos na magdidiin sa senador sa kasong plunder na kinahaharap nito kaugnay sa multi-bilyong pisong pork barrel scam.