Nangangamba si two-division world champion at bagong promoter na si Gerry Peñalosa sa kahihinatnan ng laban ni Michael "Hammer Fist" Farenas matapos ideklara ng International Boxing Federation na isang Puerto Rican ang tatayong referee sa laban ng kanyang protégé kay Jose "Sniper" Pedraza na mula rin bansang Puerto Rico.

Unang kinuwestiyon ni Peñalosa ang desisyon ni IBF Championship Committee chairman Lindsey Tucker sa pagpili kay Roberto Ramirez Sr. sa paniniwalang madalas mabiktima ng "lutong Macau" o hometown decision ang Sorsogon fighter gayundin siya noong aktibo pa siya sa loob ng ring.

Naniniwala si Penalosa na hindi patas ang desisyon ni Tucker para sa kaliweteng Farenas lalo na nga at may isa pa ring Puerto Rican ang naunang pinili ng opisyal na gawing hurado sa katauhan naman ni Carlos Colon para makasama sina American judges John Stewart ng New Jersey at Tony Paolillio ng New York.

Subalit tiniyak ni Tucker na siya mismo ang tatayong fight supervisor upang masiguro na magiging patas ang laban ng hard-hitting Filipino southpaw sa sagupaang magaganap sa San Juan, Puerto Rico sa Nobyembre 15.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Dahil dito, pumayag na rin kalaunan si Peñalosa at umasa na lamang na magagawang tapusin ni Farenas si Pedraza sa loob ng 12-round fight upang hindi na umabot pa sa kamay ng mga hurado ang IBF eliminator bout para sa No.1 slot ng junior lightweight division. (Gilbert Espeña)