Armado ng patalim, nang-hostage ang isang pasahero ng bus na mula Tuguegarao, Cagayan patungong Cubao, Quezon City sa North Luzon Expressway (NLEx) sa bahagi ng Guiguinto, Bulacan kahapon.
Sumakay sa Everlasting bus (UVL 797) sa bahagi ng Cauayan, Isabela ang suspek na nakilalang si Lauro Sanchez, na sinasabing nagtitinda ng mga pantalon, at taga-Balangon, Batangas.
Pagsapit ng bus sa Sta. Rita Toll Plaza, dakong 6:30 ng umaga, naglabas ng patalim si Sanchez at nagdeklara ng hostage.
Hiniling nitong makausap ang media at humingi rin ng sasakyan at driver.
Inirereklamo ng suspek ang ilang tauhan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group na umano’y nag-set-up sa kanya at pinagbintangan siyang magnanakaw.
Ayon kay Senior Supt. Ferdinand De Lima, commander ng Guiguinto Police Station, sa dami ng hinihingi si Sanchez, napababa nito ang karamihan sa mga pasahero na magpapaabot ng kanyang demand sa mga awtoridad, maliban sa 13 pasaherong nasa likurang bahagi ng bus at isang foreigner na ginawang bihag.
Napasok ng pulisya ang bus matapos magpanggap na driver ang isang pulis. Nanlaban pa umano ang suspek kaya nasugatan nito ng patalim ang dalawang pulis.
Tumagal ng mahigit dalawang oras ang hostage-taking bago naaresto ang suspek at nailigtas ang lahat ng pasahero.
Sisilipin ng pulisya ang alegasyon ng suspek sa mga tauhan ng CIDG na umaresto na nagtulak sa kanyang mang-hostage ng bus.