Mapapasabak sa isang eliminator para sa No. 1 ranking sa junior bantamweight division ng International Boxing Federation (IBF) ang Filipino fighter na si Mark Anthony Geraldo laban kay McJoe Arroyo ng Puerto Rico sa Disyembre 6.

Ito ang ipinabatid ng Canadian adviser ni Manny Pacquiao na si Michael Koncz, ang nangangasiwa ng MP Promotions ng Pambansang Kamao, sa PhilBoxing.com habang nagpapalakas sa kanyang silid sa Cardinal Santos Memorial Hospital matapos sumailalim sa dalawang magkahiwalay na operasyon upang tanggalin ang pamumuo ng dugo sa kanang hita.

Ani Koncz, labanan ng mga kaliwete ang eliminator ng IBF at idinagdag na nagkausap na sila ng manager ni Geraldo na si Leonil Lazarito hinggil sa mga kasunduan ng engkuwentro.

Hawak ng 23-anyos na Geraldo, alyas “El Heneral,” ang 31-4-3 record kasama ang 13 knockouts habang perpektong 15-0 na may 8 knockouts si Arroyo, na kakambal ni McWilliams Arroyo na tumalo kay Filipino boxer Froilan "The Sniper" Saludar noong Hunyo 19.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Kagagaling lamang ng 28-anyos na Arroyo, isang Puerto Rican Olympian, sa 11th round TKO kay dating WBA flyweight champion Hernan "Tyson" Marquez ng Mexico na isang IBF elimination bout noong Hunyo 14. Ang sagupaang Geraldo-Arroyo ang ikalawang sunod na eliminator para kay McJoe.

Ikinamada naman ni Geraldo ang siyam na sunod na panalo simula nang mabigong maiuwi ang bakanteng WBC International Silver title noong Hulyo 2011 kay Oleydong Sithsamerchai ng Thailand. Kasama sa mga tagumpay niya ang paghablot ng WBO Asia Pacific Youth super flyweight kay Ithanon Sithchamuang ng Thailand via 2nd round TKO sa Makati City noong Oktubre 26, 2013. (Gilbert Espeña)