Sa isa pang pagkakataon na naman, muling pinausad ng mga mambabatas ang panukalang-batas hinggil sa pagpapairal ng diborsiyo. Nakaangkla ang ganitong paninindigan sa pahayag kamakailan ni Pope Francis tungkol sa pagpapaluwag ng mga pamamaraan sa pagpapawalang-bisa ng kasal o annulment of marriage. Kaakibat ito ng pagrepaso sa kalagayan ng mga divorced Catholics, homosexuality at birth control.

Maliwanag na ang naturang pahayag ng pinakamataas na lider ng Simbahang Katoliko ay naging hudyat upang isaalang-alang ang masalimuot na marriage issue. Marahil ay nauunawaan ng ating Papa ang kalagayan ng mga mag-asawa, lalo na ang talagang hindi na magkakasundo dahil sa magkakasalungat na paninindigan.

Hindi nagbabago ang aking paniniwala na ang diborsiyo ay isang epektibong remedyo sa isang mag-asawa na halos imposible nang magkasundo. Ano nga ba ang alternatibo ng sinuman upang mailigtas ang sinasabing sagradong pag-iisang dibdib? Walang hindi nangangamba na humantong sa hindi kasiya-siyang pangyayari ang kanilang patuloy na pagsasama.

Ang annulment of marriage, sa kabilang dako, ay isa ring paraan upang mabigyan ng pagkakataon ang mag-asawa na makapamiling muli ng kanilang pakikisamahan. Dangan nga lamang at masyadong magastos ang pagpapawalang-bisa ng kasal. Hindi ito makakayanan ng mga maralita na mapipilitan na lamang magsama sa isang bubong na laging tinatampukan ng iringan, sumbatan at, kung minsan, ay pagbabanta sa buhay ng bawat isa.

Probinsya

Mag-asawang sakay ng motorsiklo, patay sa ambush; anak himalang nakaligtas

Isang malaking kabalintunaan na ang Pilipinas lamang ang isa sa dalawang bansa na hindi nagpapatupad ng diborsiyo. Hindi ko matiyak kung ang bansang Malta ay nagpatibay na ng divorce law. Ang naturang mga bansa ay pawang mga Catholic country na atubili o talagang ayaw magpairal ng naturang batas.

Kahit na ano ang sabihin ng sinuman, ang divorce law lamang ang makasasagip sa magulong pagsasama ng mag-asawa.