TUBA, Benguet - Nakilala na ang isa sa dalawang bangkay na itinapon noong Oktubre 15 sa Sitio Poyopoy, na pinaniniwalaang kasamahan ng tatlong naunang dinukot, pinatay at itinapon sa Calasiao at Binmaley sa Pangasinan.
Positibong kinilala ng asawa at pamilya ang isa sa mga bangkay na si Isidro Cerdineola, 34, ng Urdaneta City, Pangasinan at kilalang buyer at seller ng bisiro at kalabaw.
Napag-alaman na noong Oktubre 8 ay kabilang si Cerdineola sa tatlong iniulat na nawawala sa Urdaneta City at makalipas ang isang linggo ay natagpuan ang dalawa sa may 100-metrong lalim na bangin sa Sitio Poyopoy sa Barangay Taloy Sur, Tuba, Benguet.
Sa awtopsiya ni Dr. Rodrigo Leal, medico-legal officer ng PNP Regional Crime Laboratory Service, si Cardineola, na nakasuot ng six-pocket short pants at T-shirt ay nagagapos ng packing tape ang mga kamay at paa at pinatay sa pag-pako sa likod ng ulo nito.
Ang isa pang bangkay na naka-short pants at T-shirt na may tatak na “Dagupan” ay pinatay sa sakal gamit ang nylon rope at binalutan ng packing tape ang buong ulo. Kapwa sila nakasilid sa sako.
Napag-alaman na ang tatlong unang nawala at pinatay ay nagbebenta ng karne ng baka at kalabaw, na ang kalimitang buyer ay si Cardineola.
Hindi pa makumpira kung sangkot ang mga biktima sa lumalalang cattle rustling sa silangang bahagi ng Pangasinan. - Rizaldy Comanda