Walang nakikitang problema ang Commission on Elections (Comelec) sa paglilinis nito ng voters’ list para sa Sangguniang Kabataan elections sa Pebrero 21, 2015 sa kabila ng kawalan ng biometrics data.
Sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez na kaya pa rin nilang burahin ang mga nagparehistro nang ilang beses dahil sa mababang bilang ng botante na nagparehistro.
“Matapos ang SK registration, tiyak na gagawa ng hakbang ang Comelec upang malinis ang voters’ list ng mga multiple registrant,” ayon kay Jimenez.
Sa kabila ng kawalan ng biometrics data, sinabi ni Jimenez na madaling matutukoy ng Comelec ang mga nagpalista nang higit sa isang beses para sa SK polls.
“We should take note that we are just talking of barangays here. It is not hard to find multiple registrants in every barangay list,” paliwanag ni Jimenez.
Lumitaw sa record ng Comelec na aabot sa tatlo hanggang 3.5 milyon ang youth registrant para sa SK elections.
Ang voters’ registration ay nagtapos noong Setyembre 29.