Nanggagalaiti ang mga miyembro ng komunidad ng LGBTQ o Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender and Queer laban sa isang panukala na inihain ni Senator Antonio Trillanes IV na naghihigpit sa pagbabago ng mga detalye sa civil registry document ng isang tao, partikular sa mga third sex.
Binunyag ng komunidad ang isyu bunsod ng pagkakapatay kay Jeffrey Laude, isang transgender kilala rin bilang “Jennifer,” na ang itinuturong suspek ay isang US Marine sa isang motel sa Olongapo City noong Oktubre 11.
Itinuring ng mga miyembro ng PROGAY Philippines ang Senate Bill 3133 na inihain ni Trillanes kasama si Senator Francis “Chiz” Escudero bilang “anti-gay.”
Puntirya ng SB 3133 na amyendahan ang Republic Act 9048 na naghihigpit sa pagpapalit ng mga pagkakamali sa detalye sa civil registry tulad ng spelling, petsa ng kapanganakan at kasarian na hindi na kailangang dumaan sa mahaba at magastos na legal process.
Nakasaad sa Section 3 ng SB 3133: “Nor shall any entry involving change of gender corrected except if the petition is accompanied by a certification issued by an accredited government physician attesting to the fact that the petitioner has not undergone sex change or sextransplant.” “This is a truly disgusting slap on us transgenders by the government,” ayon sa isang miyembro PROGAY Philippines.
“Manloloko si Trillanes! Pinaniwala n’ya kaming kakampi siya ng mga LGBTQ pero hindi naman makatarungan ang ginagawa n’yang batas para sa mga tulad namin,” ayon pa sa grupo. - Robert Requintina