Kung mayroon mang naging konsolasyon ang University of Perpetual Help sa kanilang muling pagkabigo sa pagnanais na makapasok ng finals, ito’y ang pagkakahirang ng kanilang ace guard na si Scottie Thompson bilang season MVP ng NCAA Season 90 men’s basketball tournament.

Bukod dito, napabilang din si Thompson sa Best Defrensive Team habang nahanay naman gaya niya sa Mythical Team ang kakamping si Harold Arboleda.

Nagbunga lahat ng determinasyon at pagpapasod ng ipinagmamalaking anak ng Digos, Davao del Sur upang maibalik ang kanyang dating laro.

Naging runaway winner si Thompson para sa pangunahing individual awards makaraang pumasok sa Top 5 ng apat na stats categories ng overall statistical points.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Pang-apat siya sa mga naging leading scorers sa kanyang average na 17.4 puntos, panglima sa rebounding sa kanyang naitalang 11.4 rebounds, pangalawa sa assist sa kanyang average na 5.8 at pangapat sa stelas kung saan siya nagposte ng 1.7 average.

“Eto na ‘yung bunga ng lahat ng mga pinaghirapan ko, pero siguro mas masarap ito kung nakapasok kami ng finals,” ani Thompson.

“Ang totoo, hindi ko naman hinangad ito. Pero nu’ng malaman ko na andu’n na ako, sinabi ko sa sarili ko at ginamit ko ‘yung motivation para ipagpatuloy ang mga ginagawa ko sa laro,” dagdag pa ng 21-anyos na si Thompson na nagwagi ng Most Improved Player award noong 2012 ngunit hindi nagtuluy-tuloy ang magandang nilalaro sanhi ng natamong back injury.

Kabilang sa mga tinalo ni Thompson para sa award ang mga kapwa Mythical Team member na sina Arboleda, Ola Adeogun ng San Beda, Jiovanni Jalalon ng Arellano University at Bradwyn Guinto ng San Sebastian College.

Nahirang din para tumanggap ng individual awards sina Jalalon bilang Most Improved Player at ang kakampi nitong si Dioncee Holts bilang Rookie of the Year at Joseph Gabayni ng Lyceum bilang Defensive Player of the Year.

Kasama naman ni Gabayni na napili para sa Best Defensive Team sina Adeogun, Guinto,Thompson at Abdul Razak Abdul Wahab ng Jose Rizal University.

Samantala sa juniors division, nakamit naman ni Darius Estrella ng JRU lIght Bombers ang MVP award habang nahirang bilang Rookie of the Year si Raphael Chavez ng UPHSD Altalettes.

Kasama naman nilang napabilang sa Mythical Team sina John Gob at Ricci Rivero ng La Salle Greenhills, Dennel Aguirre ng Mapua at Niko Abatayo ng San Beda.

Si Gob din ang nagwagi bilang Most Improved at Defensive Player of the Year habang kasama niyang napabilang sa Best Defensive Team sina Abatayo, Estrella,

Chavez at Makki Santos ng Lyceum.