Umaasa ang chairman ng ad hoc panel, na naatasang bumusisi sa panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL), na susuportahan ng publiko ang nasabing panukalang pangkapayapaan sa pagsisimula ng public consultations sa Maguindanao ngayong linggo.

Sinabi ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, na pinuno ng panel, na paninindigan nila ang kanilang schedule sa pagbisita sa pusod ng teritoryo ng panukalang bagong Bangsamoro political entity sa Miyerkules, Oktubre 22.

Aniya, may 20 miyembro ng 75-man ad hoc panel ang magsasagawa ng unang bahagi ng public consultations sa BBL.

“Magsisimula kami sa Maguindanao sa October 22. Pakikinggan namin ang lahat ng stakeholders para sa pagsusulong ng kapayapaan at kaunlaran doon. Umaasa kaming susuportahan ng publiko ang BBL,” sinabi ni Rodriguez sa isang panayam.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kasama ni Rodriguez sa liderato ng ad hoc panel sina Maguindanao Rep. Bai Sandra Sema, North Cotabato Rep. Jesus Sacdalan, Antipolo City Rep. Romeo Acop at Basilan Rep. Jim Hataman-Salliman.

Sa Miyerkules ay bibisitahin ng grupo ni Rodriguez ang mga munisipalidad ng mga katutubo sa Maguindanao—ang North at South UPI. Maglilibot din sila sa Cotabato City sa Oktubre 23 at sa General Santos City, Koronadal City, South Cotabato at Tacurong City, Sultan Kudarat sa Oktubre 24

Mariin naman tumututol sa BBL ang mga kapwa nila kongresistang sina Zambonga del Sur Rep. Aurora Enerio Cerilles, Iligan City Rep. Vicente “Varf” Belmonte, Palawan Rep. Frederick Abueg at Zamboanga City Celso Lobregat.

Sinabi ni Cerilles na ang BBL “will only divide the Mindanao island and will lead to another social volcano.”

Target ng ad hoc panel na maaprubahan ang BBL sa plenaryo sa Disyembre 17 upang maidaos na ang plebisito sa Marso 30, 2015.