Balik sesyon sa plenaryo ang Mataas na Kapulungan ngayong Lunes makalipas ang tatlong linggong bakasyon at inaasahan na tutukan ng mga ito ang 2016 national budget at iba pang mahahalagang panukalang batas.
Ayon kay Senate President Franklin Drilon, gagawin nila ang lahat para matalakay ang mahahalagang panukala dahil muli silang magsasara sa Oktubre 29 para sa All Saint’s Day break.
“We have a lot of pertinent bills on our list, and a number of these proposed legislation require immediate passage. We will make every second of our remaining time in session count. We will give it our best shot,” ani Drilon.
Kabilang sa inaasahang ipasa sa ikatlong pagbasa ay ang Senate Bill No 2042, o Anti-Chemical Weapons Act, na naglalayong mabigyan ng proteksyon ang bansa laban sa chemical weapons.
Aniya, nakasalang din ang Fair Competition Act, o Senate Bill No. 2282, na inaasahang magbigay ng maayos na ekonomiya sa bansa kaalinsabay sa Association of South East Asian Naiton (ASEAN) Economic Community sa 2016.
Magkakaroon na rin ng pagamyenda sa Senate Bill No. 2400 na may kaugnayan sa pondo sa Sugarcane Industry Development.