Kinapos ang Philippine Under 17 Girls volleyball team na maitala ang mas mataas na naabot na puwesto matapos itong mabigo sa nakakapagod na limang set na labanan, 2-3, kontra sa Kazakshtan sa ginaganap na 10th Girls' U17 Asian Volleyball Championship sa MCC Mall sa Nakhonratchasima,Thailand.

Halos abot kamay na ng PHI Under 17 ang panalo matapos gulantangin ang 7th ranked na Kazakshtan sa pagtala ng 2-1 set na abante bago na lamang nanghina sa huling dalawang set upang malasap ang nakakapanghinayang na 25-21, 20-25, 25-23, 12-25 at 12-15 kabiguan.

Tatlong krusyal na error mismo ng pambansang koponan ang naging sanhi ng sarilng kabiguan sa matira-matibay na ikalimang set kung saan nagawa pa nitong hawakan ang abante patungo sa huling limang puntos.

Habang isinusulat ito ay muling kasagupa ng PHI Under 17 ang una na nitong tinalo na New Zealand para naman sa labanan sa ikapitong puwesto sa torneo na isinagawa simula Oktubre 11 hanggang 19.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Pinamunuan ni Jasmine Nabor ang PHI Under 17 sa pagtatala ng 13 katulong sina Maria Lina Isabel Molde na may 12 puntos at Ejiya Laure na may 11 habang nag-ambag din sina Faith Janine Nisperos (9), Christine Francisco (7), Justine Dorog (7), Rica Diolan (3), Nicole Anne Magsarile (2) at Kristine Magallanes (1).

Ang unang apat na koponan ay awtomatiko naman na nakapagkuwalipika sa gaganapin na 2015 FIVB Girls Youth World Championship.

Magsasagupa ang host na Thailand at nagtatanggol na kampeon na Japan para sa titulo habang maghaharap naman ang China at South Korea para sa ikatlo at ikaapat na puwesto. Ang Kazakstan at Chinese Taipei ay paglalabanan naman ang ikalima at ikaanim na puwesto.