Tiniyak ng Embahada ng Amerika na patuloy itong makikipagtulungan sa gobyerno ng Pilipinas sa isinusulong na imbestigasyon kaugnay sa pagpatay sa transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude na ang itinuturong suspek ay si US Marine Pfc. Joseph Scott Pemberton.
Subalit inihayag ng US Embassy na hindi pa rin tiyak ang pagdalo ni Pemberton sa preliminary investigation na itinakda ng korte 2:00 ng hapon bukas.
“Whether the suspect will appear on Tuesday is a decision that he will make in consultation with his Philippine legal counsel, in accordance with Philippine law,” nakasaad sa kalatas ng US Embassy.
Hindi naman dadalo sa pagdinig ang apat na testigo ng Amerika dahil humarap na kamakailan sa Olongapo Prosecutor’s Office ang mga ito at isinumite ang kanilang sinumpaang salaysay. Alinsunod sa Visiting Forces Agreement (VFA), sisipot lamang ang mga testigo para sa pagdinig sa korte taliwas sa unang pahayag ng Embahada na pahaharapin nila sa awtoridad ng Pilipinas ang suspek at mga testigo sa kaso.
Noong Biyernes nagtungo sa US Embassy ang kinatawan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ni City Prosecutor Emily Fe Delos Santos upang iabot ang subpoena kay Pemberton.
Unang inihayag ng DFA na magpapadala ito ng diplomatic note sa US Embassy para hilingin na ilagay sa kustodiya ng Pilipinas si Pemberton sa oras na ilabas ng korte ang warrant of arrest laban sa suspek.