NOONG 1972, habang naghahanda ang Liberal Party (LP) para sa pagdaraos ng kanilang National Convention upang pumili ng kanilang presidential candidate para sa 1973 elections, hiniling ni LP President Gerry Roxas kay LP Secretary General Ninoy Aquino na magbigay-daan para sa kandidatura ni Roxas. Nangunguna si Roxas sa mga delegado sa kombensiyon ngunit matibay si Aquino sa kanyang kahandaang labanan si Pangulong Ferdinand E. Marcos ng Nacionalista Party (NP).
Gayunman, nagkaroon ng pagbabago ang kasaysayan noong Setyembre 1972. Si Pangulong Marcos, na nasa kanyang pangalawang apat na taong termino at hindi pinahintulutan ng 1935 Constitution na maglingkod nang higit pa sa dalawang termino, ay biglang nagdeklara ng martial law. Dahil dito, nakansela ang nakatakdang 1973 elections at nagpatuloy na mamuno si Pangulong Marcos sa bansa sa loob ng 14 na taon pa hanggang patalsikin siya sa pamamagitan ng People Power noong 1986.
Sa pamamagitan ng kakaibang pagpihit ng kapalaran, ngayon, 42 taon mula 1972 – isang Aquino at isang Roxas muli ang nasa political limelight. Sila ang mga anak ng mga leader noong 1972, ang mga heredero sa pulitika. Ang anak ni Gerry na si Mar ay umaasa na maging kandidato ng LP para sa pangkapangulo sa 2016 at naghahangad siya ng pag-endorso at suporta ng anak ni Ninoy, si Pangulong Noynoy.
Sinasabing “sentimental choice” is Mar ng LP sa 2016 ngunit – tulad ng kanyang ama noong 1972 – kailangan niya ng tulong ni Pangulong Aquino, lalo na sa harap ng matibay na oposisyon sa katauhan ni Vice President Jejomar Binay. Hanggang nitong huling mga linggo, walang kadudaduda ang pangunguna ni Binay sa mga survey, ngunit sa walang humpay na pagbatikos sa kanya, bumaba ang kanyang mga rating at si Mar naman ang nangunguna.
Ang anumang pag-aaral ng situwasyong elektoral sa bansa, gayunman, ay hindi dapat ipagwalang-bahala ang pulitikal na larawan na – sa kakaibang pagpihit ng kapalaran – kabilang ang anak ni Pangulong Marcos, si Senator Bongbong ng NP. Sinasabi na siya rin ay naghahanda na ngayon para sa malaking halalan sa Mayo 2016.
Sina Aquino, Roxas, at Marcos – ang mga ito ba ang magiging dominanteng pangalan sa darating mga kaganapan sa pulitika? O may mga bagong mukha at mga bagong pangalan – Binay, marahil, o Estrada o Santiago o Villar o Poe o Belmonte? Malalaman natin sa susunod na mga linggo at buwan.
Samantala, magpasalamat na lang tayo dahil kalaunan, bumabangon na tayo mula sa madilim na panahon sa ating kasaysayan – ang martial law, kung saan nagapi ang paglago ng ating pulitika. Sa harap ng maraming depekto at kakulangan nito, ang ating mga eleksiyon pa rin ang pinakamainam na paraan upang piliin ang ating mga leader at umaasam tayo sa 2016 na muli nating ipatutupad ang ating karapatan bilang mga mamamayan ng isang estadong demokratiko.