Bilang paggunita sa National Children’s Month (NCM) ngayong Oktubre, pinaalalahanan ni Education Secretary Armin Luistro ang lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa bansa na paigtingin ang kamulatan ng mga bata tungkol sa kanilang mga karapatan, partikular laban sa karahasan sa loob at labas ng campus.

Tinukoy ang insidente sa Bantayan Island, Cebu ngayong buwan nang isang siyam na taong gulang na Grade 3 pupil ang namatay makaraang suntukin ng isa pang 10-anyos na estudyante, sinabi ni Luistro na dapat na paigtingin ng mga eskuwelahan ang pagpapatupad ng Child Protection Policy (CPP) ng DepEd at ang RA 10627 (Anti-Bullying Act).

Tinututukan ng CPP ng DepEd ang kahalagahan ng kapakanan ng mga bata at isinusulong ang ligtas at maayos na lugar ng pagkatuto.

“The objective of the CPP is to promote zero-tolerance policy for any act of child exploitation, violence, discrimination, and other forms of abuse,” ani Luistro. “It’s hard if there’s one incident and we are reactionary,” sabi ng kalihim, tinukoy ang mga hakbanging ipinatutupad ng DepEd sa mga insidente ng karahasan na kinasasangkutan ng mga estudyante.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“For us, we try to monitor what happens in our schools but we cannot make a policy if there are one or two incidents that occur.”

Naniniwala si Luistro na ang “long-term and sustainable solution” sa mga karahasang kinasasangkutan ng mga bata, gaya ng bullying, pagpaparusa at harassment partikular sa mga paaralan— ay ang CPP ng DepEd.

Kaugnay nito, sinabi ni Luistro na dapat ding magsulong ang mga paaralan ng mga aktibidad na nagbibigay-diin sa “role of children in community life and nation-building.” Hinihimok ng DepEd ang lahat ng mga opisyal sa mga pampubliko at pribadong paaralan na magdaos ng mga aktibidad na nagbibigaydiin sa mahalagang tungkulin ng mga bata sa kani-kanilang komunidad at sa bansa sa buong isang buwang selebrasyon ng NCM. - Ina Hernando-Malipot