Rumagasa na naman ang lava sa palibot ng Bulkang Mayon sa Albay kahapon.
Sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Siesmology (Phivolcs), mas malawak ang naapektuhan ng lava flow kahapon kumpara sa naitala noong nakalipas na linggo.
Gayunman, inihayag ng ahensya na hindi na gaanong malapot ang lava flow kahapon dahil mas mahaba na ang layo ng naabot nito na nangangahulugan din na bago ang nasabing volcanic materials kumpara sa dati nang naipong lava ng bulkan na ibinuga nito noong nakaraang linggo.
Matapos ang nasabing lava flow, tinangkang mag-aerial survey sa bulkan ang mga tauhan ng Phivolcs ngunit nabigo ang mga ito dahil na rin sa makapal na ulap na bumabalot sa bulkan.
Ipinaiiral pa rin ng Phivolcs ang 6-kilometer radius permanent danger zone at 7-km. extended danger zone sa bulkan.